Hindi niyo marahil alam, pero marami sa mga teknolohiyang ginagamit natin sa pang araw-araw na pamumuhay ay mula sa space technology. Kagaya na lang ng infrared thermometer na pinangkukuha ng temperatura niyo bago pumasok sa mga gusali ngayong panahon ng pandemya. Pero alam mo ba’ng nauna itong ginawa para makuha ang temperatura ng mga bituin at planeta sa kalawakan? Amazing, ‘no?
Isa lang ang infrared thermometer sa mga teknolohiyang nagmula sa space technology. Sa #SpaceForEveryJuan series ng Philippine Space Agency (PhilSA), itinampok namin ang ilan pang mga kasangkapang mahalaga ang papel sa ating buhay ngayon na hindi mo aakalaing may kwento palang #FromSpaceToTheGround!
Balikan natin ang ilan sa kanila:
Air Purifier
Hango sa teknolohiya ng ethylene scrubber, ang space technology na ito ay nagsilbing paraan para magkaroon ng maaasahang suplay ng pagkain ang mga astronaut sa outer space.
Tuwing space missions, natuklasan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) (n.d.-a.) na naglalabasng ethylene ang mga pananim na gulay at prutas sa spaceship na nagiging sanhi ng mabilis na pagkahinog at pagkabulok. Kaya naman bumuong Space Product Development Program ang Marshall Space Flight Center para gumawa ng plant growth chambers na kaya ring maging “scrubber” o taga-alis ng ethylene sa hangin.
Unang ginamit ang ethylene scrubber noong 1995 na matagumpay na napahaba ang buhay ng mga potato seedling. Kalaunan, natuklasan na kaya rin ng scrubber na magtanggal ng unwanted organic particles sa hangin, kung kaya’t nakita ang potensyal nito para sa air purification.
Skin Cream
Alam mo ba na ang skin cream na iyong ginagamit sa seven step night time skin care routine mo para sa fresh, dewy, and supple skin ay ginamitan ng space technology?
Sa pamumuno ni Dr. Thomas J. Goodwin, isang mananaliksik at imbentor mula sa Johnson Space Flight Center ng NASA (n.d.-b.), nabuo ang isang rotating wall vessel (RWV) bioreactor na kayang gayahin ang kondisyon ng microgravity. Sa teorya ni Dr. Goodwin, ang mahabang ekspedisyon sa kalawakan ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa katawan ng mga astronaut dahil sa mga oxidative at toxic products. Matapos ang pag-aaral sa iba’t-ibang human tissue sa loob ng RWV bioreactor, sila ay nakakagawa ng biomolecules na may regenerative qualities, kasama na ang fibroblast para sa cell connectivity.
Sa pamamagitan ng technology transfer, ginamit ng kumpanyang Renuèll Int’l Inc. ang RWV bioreactor sa mga cosmetic products. Base sa kanilang pag-aaral, habang tumatanda ang isang tao, nababawasan ang produksyon ng fibroblast cells sa katawan na nagdudulot ng pagkulubot at ‘di pantay na kulay ng balat. Dito na nabuo ang isang skin cream na ginamitan ng human fibroblast mula sa RWV bioreactor na nakatutulong ibalik ang sigla sa balat at magkaroon ng skin rejuvenation para sa fresh and young-looking skin!
Water Purification System
Importanteng may malinis na tubig sa mga outer space exploration. At sa pamamagitan ng space technology research ng NASA (Haggerty, 1995), nasolusyunan ang hamon ng pagkakaroonng ligtas at sustainable na pagkukunan ng inuming tubig.
Nagsimulang maghanap ng paraan ang NASA noong 1970 kasama ang Umpqua Research Company. Noong una, nais nito na magkaroon ng mas maayos na water purification system para sa Space Shuttle Orbiter na siyang nagbigay daan sa pagbuo ng Microbial Check Valve (MCV) iodine-dispensing system, na kalaunan ay naging importanteng parte ng Regenerable Biocide Delivery Unit.
Nalilinis ng Regenerable Biocide Delivery Unit na naglalaman ng MCV resin o iodinated resin ang tubig sa tuwing dadaloy ito sa nasabing makinarya.
Insulation Paint
Ang insulation paint na karaniwang ginagamit sa mga bubong, pader ng bahay, at gusali para protektahan tayo mula sa init ng panahon ay unang ginawa para sa mga rocket.
Nagdudulot ng pinsala sa solid rocket boosters ang init ng makina tuwing launch kaya naman noong 1980’s ay gumawa ang mga inhinyerong Marshall Space Flight Center ng NASA (n.d.-d) ng spray-on mixture bilang insulation material.
Dahil sa product development at improvement ng materyal ito, kalaunan ay mas naging mura, long lasting, environment friendly, at higit sa lahat, accessible para sa mga tao ang insulation paint.
Baby Formula
Alam mo ba na ang DHA at ARA na nasa pagkain ng mga sanggol ay natuklasan sa pamamagitan ng space research para mapanatiling malusog ang mga astronaut tuwing space missions?
Sa pamamagitan ng eksperimentong tinawag na Controlled Ecological Life Support Systems (CELSS) – isang low-profile life support system na gumamit ng living ecosystems sa contained environments – na ginawa ng NASA (n.d.-d), natuklasan ng Martin Marietta Corporation ang potensyal ng mga microalgae bilang nutritional supplement.Sa patuloy na pananaliksik, nadiskubre naman ng Martek Biosciences Corporation ang Crypthecodinium cohnii, isang uri ng algae na nakakagawa ng mataas na antas ng docosahexaenoic acid o DHA.
Ang DHA ay isang omega-3 fatty acid na tumutulong para sa maayos na paglaki ng sanggol, partikular na sa pagkakaroon ng healthy brain, eyes, at normal na heart development.
Gamit ang parehong paraan ng paglikha ng DHA mula sa algae, nabuo rin mula sa fungus na Mortierella alpina ang fatty acid na arachidonic acid (ARA) na mahalaga rin sa kalusugan ng mga sanggol.
Ilan lamang ito sa maraming space innovations na pinakikinabangan natin sa araw-araw. Abangan ang susunod na edisyon ng #SpaceForEveryJuan sa social media accounts ng PhilSA, at sabay sabay nating tuklasin ang mga imbensyong #FromSpaceToTheGround.
References:
Haggerty, J. J. (1995). An Innovation For Global Clean Water. In Spinoff: 1995 (pp. 72–75). essay, U.S. G.P.O.
NASA. (n.d.-a). Home Air Purifiers eradicate harmful pathogens. NASA. Retrieved January 7, 2022, from https://spinoff.nasa.gov/Spinoff2013/cg_4.html?fbclid=IwAR1QBcO6S42LnFt3ydv36nW-74kIrC2tb7UQXkDhzd-tdStmStHguoIhuds
NASA. (n.d.-b). Bioreactor yields extracts for skin cream. NASA. Retrieved January 28, 2022, from https://spinoff.nasa.gov/Spinoff2015/cg_3.html?fbclid=IwAR2YCZ5zhk5M8gxBK3vTZN5us7-35fwFS0C7sxgKDdOsXJyJwjz9WI0L6hY
NASA. (n.d.-c). Additive transforms paint into insulation. NASA. Retrieved April 07, 2022, from https://spinoff.nasa.gov/Spinoff2007/ch_4.html?fbclid=IwAR12mEqBSnxVHAvoT3pU6M9N__lEj6kQqtnCrnZw6NlxeV4Z-PNSTucFDYU
NASA. (n.d.-d). Space Research Fortifies Nutrition Worldwide. NASA. Retrieved April 27, 2022, from https://spinoff.nasa.gov/Spinoff2008/ch_8.html?fbclid=IwAR21zEBHJ_0bXIUEa9OwO8_FBKXmnmvvq3v1WsqSkVbc35bgKDAXw6OeKTw