Isang taon na ang nakalipas nang sinimulang itampok ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang mga pang araw-araw na teknolohiyang nagsimula sa space science. Mula sa air purifiers hanggang sa baby formula milk, marami ang naging kontribusyon at benepisyo ang space research at development sa ating buhay.

Ating balikan ang ilang imbensyong #FromSpaceToTheGround:

Satellite respondent buoys

Ang drift netting ay isang pamamaraan ng komersyal na pangingisda kung saan ang malalaking lambat ay nakakabit sa mga buoy at nagsisilbing ‘vertical wall’ para makapanghuli ng isda. Ngunit maraming mga lambat ang naiiwan at nagiging ‘ghost net’ na malaki ang nagagawang pinsala sa coral reefs at mga propeller ng mga bangka. Dahil synthetic materials rin ang pagkakagawa sa mga lambat, hindi rin ito nabubulok.

Sa tulong ng Airborne Technologies Inc. (ATI) na eksperto sa airborne marine surveying, ginamit ang mga satellite data ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) at National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) upang mahanap ang mga nawala at inabandunang commercial fishing gear.

Gamit ang mga satellite, nasusubaybayan ang mga convergence ng agos ng tubig para matukoy ang landas na tatahakin ng mga lambat. Sa tulong rin ng mga satellite, ang mga mananaliksik ay makakapag-scan ng libo-libong milya ng tubig na nagpapadali at nagpapabilis sa kanilang paghahanap. Ang mga satellite-communicating buoy naman ay nakatulong para mapaliit ang scope at matukoy ang current convergence. Maaari na ring magpadala ng mga sensor-equipped aircraft at bangka sa eksaktong lokasyon ng mga ghost net at debris.

Gigapan Panoramic Platform

Mula sa disenyo ng NASA Jet Propulsion Laboratory at Cornell University, malaki ang gamit ng mga panoramic camera o Pancam sa mga Mars rover missions dahil abot sa 4 x 24 megapixels (MP) ang resolution ng panoramic na litrato. Gamit ang iba’t ibang lens filters at spectrometers, nagagawa ring pag-aralan ang infrared radiation ng mga bagay sa litrato. Nguni’t hindi lamang space exploration ang nakinabang dito.

Noong 2005, nagkaroon ng isang proyekto para magamit ang teknolohiyang ito sa Earth at virtual exploration. Nais nilang magkaroon nang mas malaking pag-unawa sa iba’t ibang kultura sa mundo gamit ang mga larawan.  Dahil dito, nabuo ang Gigapan robotic platform para sa standard digital cameras na nagbibigay daan sa mga amateur photographers na makakuha ng mga detalyadong litrato sa madaling paraan.

Ang Gigapan robotic platform ay nagsisilbing intelligent tripod na may kakayahang mag-capture ng maramihang litrato base sa eksena o litratista. Sa tulong ng panorama stitching software, isang image processing at computer vision library, nagkakaroon ito ng eksaktong paglalapat para makabuo ng isang malaking Gigapan na litrato.

Bilang bahagi ng adhikaing pagkonekta sa mga kultura, nagkaroon din ng Gigapan website (gigapan.com) at panorama stitching software ang Global Connection Project (www.cs.cmu.edu/~globalconn/). Mas pinapadali ng stitching software ang pagsama-sama ng gigapixels upang makabuo ng malalaking panoramic shot.

Rice Decision Support System

Nabuo ang Rice Decision Support System (RDSS) mula sa Group on Earth Observations’ Global Agricultural Monitoring (GEOGLAM) initiative pagkatapos ng pandaigdigang krisis sa pagkain noong 2007-2008. Ito’y gumamit ng satellite Earth-imaging data para mapabuti ang crop production at weather forecasting, sa pamumuno ng Stennis Space Center ng NASA at ng Applied GeoSolutions Inc.

Ang RDSS ay isang web-based software na nakakapagbigay ng real time na impormasyon tungkol sa rice coverage, mga yugto ng pagtubo, mga pangyayaring paglihis, bilang ng inaasahang ani sa buong mundo, at iba pang statistikal na impormasyon.

Naipamalas ng RDSS ang kahalagahan at kagandahan ng paggamit ng satellite data para sa pagdevelop ng mga applications at paglikha ng mga actionable information. Dagdag pa rito, ito’y makakatulong sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga tao.

Freeze-dried food

Pahirapan ang pagkain sa mga naunang space missions. Ang freeze-dried food na baon ng astronauts noon, bukod sa mahirap ihain at kainin sa spacecraft, hindi pa masarap. Dahil dito, muling pinag-aralan ng NASA ang freeze-drying para makagawa ng pagkain na may mahabang shelf life, kayang i-package nang magaan, at madaling ihanda habang napapanatili ang nutritional value.

Simple lang ang konsepto ng freeze drying pero ang proseso, umaabot sa 8 hanggang 24 na oras. Unang isinasalang ang pagkain sa napakababang temperatura bago ilagay sa isang vacuum chamber kung saan binababa ang presyon sa paligid ng pagkain. Kapag dinadagdagan ang init sa mababang presyon, ang water content ng pagkain ay direktang nagbabago at nagiging gas. Lahat ng water vapor ay sinisipsip palabas ng vacuum chamber, at uulitin ang proseso mula 20 hanggang 100 beses, hanggang higit sa 99% ng tubig ang naaalis sa pagkain.

Hindi bago ang proseso ng freeze drying pero pinaganda ng NASA ang prosesong ito. Sa kasalukuyang teknolohiya, kaya nang i-rehydrate ang pagkain gamit ang malamig na tubig (80 °F) sa loob lamang ng limang minuto.  Dahil dito, naging interesado rin ang iba’t ibang kumpanya sa kanilang pinahusay na proseso at, ngayon, ang mga kahit hindi astronaut ay pwede na ring ma-enjoy ang freeze-dried food.

Ilan lamang ito sa maraming space innovations na pinakikinabangan natin sa araw-araw. #JoinTheMission at sundan ang mga social media accounts ng PhilSA para malaman kung ano pa nga bang mga teknolohiya ang naglakbay #FromSpaceToTheGround.

References:

NASA. (n.d.-a). Satellite-Respondent Buoys Identify Ocean Debris. NASA. Retrieved June 28, 2022, from https://spinoff.nasa.gov/Spinoff2009/er_5.html

NASA. (n.d.-b). Mars Cameras Make Panoramic Photography a Snap. NASA. Retrieved September 5, 2022, from https://spinoff.nasa.gov/Spinoff2008/ch_2.html

NASA. (n.d.-c). Rice Crop Models Stabilize Global Markets, Enable Efficient Irrigation. NASA. Retrieved November 17, 2022, from https://spinoff.nasa.gov/Spinoff2016/ps_1.html

NASA. (n.d.-d). Freeze-Dried Foods Nourish Adventurers and the Imagination. NASA. Retrieved 21 December 2022, from https://spinoff.nasa.gov/Spinoff2020/cg_2.html